There's Blood in Your Coffee

Sunday, April 04, 2010

MASAKER…PATULOY NA KAWALANG KATARUNGAN…WALANG TIGIL NA PANUNUPIL AT PAMBUBUSABOS SA MANGGAGAWA...


Walong (8) taon nang ito ang isinisigaw at patuloy na pakikibaka para sa katarungan ng mga manggagawa at pamilya ng Nestlé Phils. sa Cabuyao,Laguna. Matatandaang napilitang magwelga ang mga manggagawa noong Enero 14, 2002 sa pagtatanggol sa malaon nang pinal na desisyon ng Korte Suprema noong 1991 na dapat bahagi ng usapin sa Collective Bargaining Agreement sa pagitan ng management at ng unyon ang retirement plan ng mga manggagawa. Tagumpay ito sa kabila ng pagbubuwis ng buhay ni kasamang Meliton Roxas,pangulo ng unyon na walang awang ipinaslang ng Nestlé noong Enero 20, 1989 habang nagsasagawa ng sama-samang pagkilos sa harapan ng Nestlé Cabuyao. Ang tagumpay na ito ay bunga ng paninindigan, pagkakaisa at sama-samang pagkilos ng mga manggagawa mula sa Makati Administration Office, Alabang, Cabuyao at Cagayan de Oro factories. Kapakinabangan ito hindi lamang sa naunang mga manggagawa (pioneer workers) kundi para sa lahat ng mga manggagawa ng Nestlé Phils. kasama din ang mga manggagawa sa mga bagong itinayo at biniling pagawaan tulad ng Nestlé Lipa, Goya at dating Magnolia Ice Cream na ngayon ay Nestlé Ice Cream na at iba pang mga pagawaang mabibili pa ng Nestlé dito sa Pilipinas. Malinaw na tagumpay ito para sa uring manggagawa na nagsilbing inspirasyon sa buong uri para sa pagtatanggol sa kabuhayan at kinabukasan. Subalit napaka ganid sa tubo ng dambuhalang monopolyo kapitalistang Nestlé at tagos hanggang buto ang pagiging berdugo nito. Ginamit ang lahat ng institusyon sa ilalim ng numero unong papet na nagpipilit na hindi mapatalsik sa Malacanang na si Gloria Macapagal Arroyo. Sa pamamagitan ng mapanupil na Assumption of Jurisdiction order ng dating kalihim Patricia Sto Tomas ng Dep’t. of Labor and Employment (DoLE) ay lantarang binaboy nito ang mismong desisyon ng Korte Suprema na panahon pa ni Chief Justice Narvasa. Binaliktad ni Sto Tomas ang pinal na desisyon ng korte at sinabing ang usaping retirement plan daw ay hindi na bahagi ng Collective Bargaining Agreement (CBA) at sa halip ay prerogatiba lang ng kapitalistang Nestlé at pinagbawalan pa ang mga manggagawa sa batayang karapatan na mag welga upang ipagtanggol ang kabuhayan at kinabukasang tahasang kinakamkam ng kapitalista. Nagsunod-sunod na ang mga karahasan at mapanupil na patakarang ipinatupad ng sabwatang rehimeng Gloria Macapagal Arroyo at Nestlé. Sa bisa ng deputization order sa pulis at militar, walang pakundangang pandarahas, pananakot at surveillances ang ginawa sa hanay ng manggagawa. Pinaggugulpi at kinasuhan ng ibat-ibang kasong kriminal sa Municipal Trial Court ng Cabuyao at Regional Trial Court ng Binan ang may 250 manggagawang nagtatangkang igiit at ipagtanggol ang kabuhayan at karapatan. May ilang mga nakulong at marami ang may warrant of arrest sa kasong gawa-gawa lang ng mga goons at private armies na Phil. National Police (PNP) at militar (Phil.Army,ISAFP/AFP) ng Nestlé. Lantarang mga mersenaryo na ang mga pulis at militar na armadong protektor ng kapitalista para tuloy-tuloy na lapastanganin ang mismong desisyon ng Korte Suprema na ipinagtatanggol ng mga manggagawa. Hindi pa nasiyahan ang sabwatang Gloria at Nestlé sa matinding hagupit ng pasismo na sinapit ng mga manggagawa. Inihalintulad pa ng nuno ng mga berdugong si Gloria ang mga nagwelgang manggagawa tulad ng “kidnap for ransom syndicates, druglords, gambling lords” na mga terorista. Dahil hindi magtagumpay ang rehimeng Arroyo at Nestlé na pigilin ang paninindigan ng mga manggagawa ng Nestlé,kasama ang kanilang mga pamilya sa pagtatanggol sa katarungan, Setyembre 22,2005 isang araw matapos ang deklarasyon ni Arroyo ng Calibrated Preemptive Response (CPR) walang awang pinaslang si Diosdado “Ka Fort” Fortuna ng mga private armies o mersenaryong pulis at militar ng Nestlé. Pang dalawang (2) pangulo na ng unyon na pinaslang sa Nestlé Cabuyao habang maigting ang pagtatanggol sa kabuhayan at karapatan para sa uring manggagawa at labing-isang araw matapos din paslangin ang lider manggagawa sa Nestlé Colombia noong Setyembre 11,2005 habang ipinagtatanggol din nila ang karapatan at kabuhayan laban sa pagsasamantala ng Nestlé. Marso 26,2008,naglabas ng ikalawang pinal na desisyon ang Korte Suprema at bahagi na din ng “entry of judgement” na muling pinagtibay ang una nitong desisyong nasa tama at makatwiran ang ipinaglalaban ng mga manggagawa. Subalit hindi pa rin natigatig sa paglapastangan sa ating pambansang soberanya ang kapitalistang Nestlé. Tahasan nitong di iginagalang ang Kataas-tasang Hukuman ng Pilipinas. Nagsilbi pang tagapagsalita ng Nestlé si Sec. Marianito Roque ng DoLE para lantarang babuyin ulit ang kautusan ng korte. Siya ang nagpapaliwanag at sumasagot sa mga pagbatikos na ginagawa ng ibat-ibang sector maging sa internasyunal para sa Nestlé at binabaluktot kung ano ang tunay na laman ng pinal na kautusan ng Korte Suprema. Matapos magsumite ng “Motion for Writ of Execution” ang unyon upang ipatupad na ang muling pinal na desisyon para sa manggagawa ay tahasan nitong ibinasura ang motion at “DENIED”ang katugunan. “All hands on deck” ang rehimeng Arroyo at dinudumog ang paninindigan ng mga manggagawa ng Nestlé. Kung paano nito pinoproteksyunan at kinakanlong ang mga berdugo, matadero, rapist, mangungulimbat at iba pang di makataong gawain tulad ni Col.Jovito Palparan, Jalosjos, Manero, Teehankee, Jocjoc Bolante at ang pinakasariwang pangyayaring Maguindanao massacre na hindi maitatagong si Gloria mismo ang lumikha. Nagtatampisaw sa dugo at pawis ng manggagawa at mamamayan ang rehimeng Arroyo sa dikta at kontrol ng Kapital. Sila ang terorista, ang walang habas na nagmamasaker sa kabuhayan, karapatan, katarungan at kinabukasan ng uring anakpawis. SUPORTAHAN ANG LABAN NG MGA MANGGAGAWA NG NESTLE!
BOYCOTT ALL NESTLE PRODUCTS!
GLORIA ARROYO PAPANAGUTIN! HUWAG PATAKASIN! MABUHAY ANG MANGGAGAWA NG NESTLE! MABUHAY ANG SAMBAYANAN!
Please sign in to our online petition for justice
http://pinas-first.com/phpPETITION/
email us @ ufe_mailbox@yahoo.com

Labels:

0 Comments:

Post a Comment

<< Home